Isang "Good, Job!" na pagbati para sa mga masisipag na Pilipinong lumalaban nang patas. Napapagod man at nahihirapan, may ambag pa rin sa ekonomiya ng Pilipinas. Para maibsan ang kanilang pagod, ilang manggagawang Pilipino ang naimbitahan sa "It's Showtime" para makisaya sa Laro Laro Pick game arena.
Ginamit ni Vice Ganda ang boses upang manawagan para itaas ang sweldo ng mga ordinaryong trabahador, kasabay ng malakas na apela na ipakulong ang mga kurakot sa gobyerno. "Tataas talaga ang sweldo n'yo kung hindi kinukurakot," pahayag ni Vice. "Sweldo, itaas! Itaas! Ikulong na 'yan mga kurakot!" sabay-sabay na panawagan ng mga hosts, mga bisitang manggagawa, at Madlang People.
Nakakuwentuhan ng hosts si player Rodel. Sanay siya sa mga 'emergency' sa kalsada bilang ambulance driver ng barangay, pero ang maliit na natatanggap para sa malaking sakripisyo niya, hindi kakayanin ang mga 'emergency' gastos ng pamilya. Gayunpaman, inaalay niya ang busong puso at malasakit sa trabaho.
Nanlumo naman si Meme Vice nang subukang i-budget ang kinikita ni player Junjun bilang merchandiser. Ang estimated P26,000 na monthly salary, negative pa, walang natitira dahil sa taas ng presyo ng mga bilihin at pambayad utang. Madiskarte lang talaga si Junjun, na naisipang bigyan ng maliit na puhunan sa pagtitinda ng street food si misis, at sinisipagan na lang sa pag-o-overtime sa trabaho.
Nakapagtapos naman ng kolehiyo si Junjun sa kursong Information Technology, ngunit napilitang kumuha ng trabahong walang kinalaman sa diploma dahil sa hirap mag-apply 'pag kulang sa experience.
Ramdam ni Meme Vice ang frustrations ng isang ordinaryong manggagawa na halos buong araw nagbabanat ng buto, kailangan pang mag-OT, pero kapos pa rin ang sweldo. Samantalang, 'yung iba, hirit ni Meme, sumasahod nang malaki at buo kahit hindi naman nagre-report sa trabaho.
"Imagine mo, 'yung mamamayang Pilipino nagtrabaho nang eight hours, nag-jeep, nag-LRT, binaybay ang tanghali, hindi nakakakin [pagkatapos ang sweldo] minimum," sabi ni Meme. "Pero may hindi pumapasok, daang libo ang sweldo. That is just not fair."
Ang panalangin ni Meme, at nating lahat, sana gumanda ang sitwasyon ng mga manggagawa sa Pilipinas. "God bless you! Thank you for your services. Thank you for your hard work," sabi ni Meme Vice sa players.
Good vibes at pag-asa ang hatid ng “It’s Showtime,” Lunes hanggang Sabado, 12 NN, sa ABS-CBN sa ALLTV2, GMA 7, A2Z, Kapamilya Online Live (KOL) at iWant.
