Mula alas dos ng hapon nitong Martes, November 4, binabayo na ng bagyong Tino ang Palawan.
Sa lakas ng hangin, may bahay na nabagsakan ng puno sa bayan ng Magsaysay. Kita rin ang unti-unting pagkatuklap ng mga bubong ng covered court sa Barangay Los Angeles.
Sa lakas ng ulan, umapaw din ang ilog sa Barangay Port Barton San Vicente at pinasok ng baha ang gymnasium kung saan sumisilong ang ilang residente.
Umabot din hanggang leeg ang baha sa Barangay Kemdeng, San Vicente at kinailangan ding ilikas ang mga residente lalo na ang mga katutubo.
Sa Puerto Princesa City, tuloy ang pagpapalikas sa mga residente kahit gabi na sa Barangay Bahile.
May mga hindi naman madaanang kalsada sa Barangay Maoyon, Barangay Langogan, at Barangay Binduyan dahil sa baha.
Sa ngayon ay nasa Northern Palawan ang sentro ng bagyong Tino.
