← Back to Home
Tanggol, mas maaksyon sa panibagong misyon sa “FPJ’s Batang Quiapo”

Tanggol, mas maaksyon sa panibagong misyon sa “FPJ’s Batang Quiapo”

Handog ng “FPJ’s Batang Quiapo” ang makapigil-hiningang bakbakan kung saan haharapin na ni Tanggol ang panibagong misyon na maaaring magbago ng kanyang buhay.

🕒 2/16/2026, 4:23:12 PM366 wordsEN

ABS-CBN Studios

#Coco Martin#Tanggol#Tanggol Montenegro#Primetime King#FPJ’s Batang Quiapo#FPJ’s Batang Quiapo 3rd anniversary#Batang Quiapo 3 years

Taos-puso ang pasasalamat ni Primetime King Coco Martin sa patuloy na paghahari ng “FPJ’s Batang Quiapo” sa puso ng mga Pilipino kasabay ng pagdiriwang nito ng mas maaksyon na ikatlong anibersaryo.

Sa ilang social media posts ng Dreamscape Entertainment, iginunita ang anibersaryo sa pagpapasalamat ng mga die-hard Kapamilya kay Tanggol sa pagbibigay nito ng todo-todong aksyon, drama, saya, at inspirasyon sa loob ng tatlong taon.

Tatlong taon mo na kaming napapasaya, napapahanga, at napapaiyak sa bawat eksena,” sabi ng isang ka-Batang Quiapo. Saad naman ng isa pang manonood, “Maraming salamat sa patuloy na pagbibigay inspirasyon at saya sa aming lahat.”

Magmula noong unang episode ng serye, gabi-gabing sinamahan ng mga Pilipino si Tanggol sa kanyang mga maaaksyong laban at pagsubok sa buhay na mayroong mga mahahalagang aral na kinapupulutan din ng mga manonood. 

Sa pagpapatuloy ng pagdiriwang ng anibersaryo, handog ng serye ang makapigil-hiningang bakbakan sa pagbubukas ng linggo kung saan haharapin na ni Tanggol ang panibagong misyon na maaaring magbago ng kanyang buhay.

Dapat abangan ng viewers ang ratratan sa pagitan nina Tanggol at ng tropa laban sa batalyon ng kapulisan dahil maiipit sina Tanggol sa engkwentro nang mang-holdap sila ng isang tindahan ng alahas. 

Ang hindi alam ng grupo ay may mas malaking dagok pa silang haharapin dahil malalaman nilang naset-up sila ng sarili nilang tropa na si Enteng (Jojit Lorenzo). Mapipilitan kasi si Enteng na traydurin ang kanyang mga kaibigan dahil hawak na ni Rigor (John Estrada) ang buhay ng nanay niya, kapalit ang ulo nina Tanggol. 

Sunod-sunod din ang matinding girian sa serye dahil magkakaroon ng malaking gulo kapag inanunsyo na si Tanggol ang totoong nanalo bilang mayor ng Maynila at hindi ang karibal nitong si Miguelito (Jake Cuenca).

Napapanood na ang “FPJ’s Batang Quiapo” sa Kapamilya Channel sa ALLTV2. Buksan ang inyong digital black box, pindutin ang scan button sa remote control, at hanapin ang ALLTV2.

Huwag palampasin ang maaaksyong kaganapan sa “FPJ’s Batang Quiapo,” na hango sa orihinal na kwento ng Regal Films, gabi-gabi tuwing Lunes hanggang Biyernes ng 8 PM sa Kapamilya Channel sa ALLTV2, A2Z, iWant, at Kapamilya Online Live. Napapanood din ito sa labas ng Pilipinas sa pamamagitan ng The Filipino Channel (TFC) sa cable at IPTV.

Related Articles

Cheezmis

Legit na chismis, mas pinabilis.

© 2026 Cheezmis. All rights reserved.