Isa na namang Pilipino na lumalaban nang patas sa gitna ng mga pagsubok at hirap ang matapang na kumasa sa Pot question ng 'Laro Laro Pick.' At palagi, lamang ang may tapang. Dahil palaban ang isang madlang player mula Malate, sa kanya dumapo ang swerte.
Sa February 11 episode ng "It's Showtime," game na sinakyan ng mga taga-Malate ang 'puksaan' trip nina Vhong Navarro, Jhong Hilario, at Vice Ganda sa game arena.
Sa PILImination round, nanalo si player Tayson sa tulong ni PILIminator Jackie Gonzaga, na siyang pinakamabilis na nakaubos ng saging habang naka-blindfold. Kuwento ni Tayson, isang dim sum maker, gusto niyang umuwing wagi dail marami siyang pangarap para sa sarili. May apat na anak din siyang sinusuportahan, at inaalagaan ang inang may sakit.
Mabilisan ang naging tawaran. At mabilis din niyang tinanggihan ang Li-Pot offer na P50,000 para sa pagkakataong subukan ang P600,000 POT question.
"Alam mo ba na ang Pilipinas ay nagkaroon na ng dalawang babaeng presidente? Kilala mo ba sila?" paunang tanong ni Vice kay Tayson, na tumango at sumagot, "Una si Corazon Aquino, pangalawa si Gloria Macapagal-Arroyo."
Promising ang unang sagot ni Tyson. Samantala, itinuloy ni Vice ang pagbabasa sa totoong Pot question, "Ilan naman ang lalaking presidente magmula pa noong panahon ni Emilio Aguinaldo hanggang sa kasalukuyan sa Pilipinas?"
Huminga nang malalim si Tayson at sumagot, "Fifteen po." At nang tanungin kung paano siya nakakasiguro, paliwanag niya, "Si Bongbong Marcos po ay number 17 President, minus dalawang babae, 15 po ang lalaki. Sure na po."
Nagbunyi ang buong studio nang i-anunsiyo ni Vice na tama ang sagot ni Tayson at maiuuwi niya ang jackPOT. "Sa'yo nakalaan ang P650,000," sabi ni Vice, na humanga sa lawak ng kaalaman ni Tayson, na mahilig daw mag-research. "'Di ba? Malaking bagay ang pagsasaliksik. Ang mga karagdagang kaalaman natin mula sa pagsasaliksik ay maaaring magbiay sa atin ng magandang pagkakataon katulad ngayon," saad ni Vice. "Hindi siya nagse-settle sa alam niya lang. Nagre-research siya at 'yung karagdagang kaalaman niya ang nagbitbit sa kanya dito at magpapauwi sa kanya ng P650,000."
"Hindi namin alam kung bakit sa'yo ito ibinigay ng Diyos pero alam namin na hindi naman nagkakamali ang Diyos. Para sa'yo talaga ito," sabi ni Vice kay Tayson, na pauli-ulit na nagpasalamat at puno ng pag-asa ang ngiti matapos ang kanyang winning moment.
Good vibes at pag-asa ang hatid ng “It’s Showtime,” Lunes hanggang Sabado, 12 NN, sa Kapamilya Channel, GMA 7, ALLTV, A2Z, Kapamilya Online Live (KOL) at iWant.
