Tuloy-tuloy ang masayang pagbabalik-tanaw sa Part 2 ng "It's Showtime" AWAAARD!
Naging parte ng special event si Brent Manalo bilang presenter ng "Elizabeth Clumsy Fallen Star Award" o ang parangal para sa "It's Showtime" host na malilikot at mahaharot, 'yung hindi naman pinana ni Kupido pero madaling na-fall... sa stage! Ang plaque para sa mga accident prone ay tinanggap ni Karylle para sa kanyang ballet dance-gone-wrong moment at kay Ogie Alcasid na literal na 'pinatumba' ng KalokaLike ni Lebron James.
May special participation din si "Tawag Ng Taanghalan" hurado Erik Santos bilang presenter ng "Don't Okray For Me Argentina Award" para sa most 'mapamuksa' sa grupo. Ito ay walang iba kundi si Anne Curtis na, biro ni Vice Ganda, "true to life" ang mga panlalait sa kanya. Naaalala n'yo ba nang minsang tawaging “maligno” ni Anne ang sisteret niya?
Na-senti naman si Vice Ganda nang tanggapin ang "Showtime Special Appreciation Award" para sa kanyang kontribusyon bilang isa sa mga utak at haligi ng programa. Sa kanyang acceptance speech, inalay ni Vice ang parangal sa mga behind-the-scenes staff, aniya, hindi mabubuo ang ipinapalabas nila kung wala ang masisipag na tao sa likod ng kamera. "Lahat tayo dito ay nagtrabaho nang lubos," sabi ni Vice. Dagdag niya, "Ang kultura talaga natin dito, anuman ang mangyari, kailangan makabuo tayo ng isang programang makapagpapasaya at makapagbibigay ng serbisyo sa mga madlang people. Gaano man kahirap ang sitwasyon, ipinipilit nating mairaos 'yan araw-araw."
"Ang matibay na pundasyon ng programang ito ay ang mga staff. Kayo ang unang dumadating sa studio, kayo rin ang huling umuuwi, umaabot pa ng madaling araw." Sabi pa ni Vice, malaking hamon sa kahit anong programa ang umere nang "live" anim na beses sa isang linggo. Kaya humingi siya ng paumanhin sa mga manonood kung may mga araw na pakiramdam nila ay "kulang" o inconsistent ang naipakita ng show. "Kailangan din nating kilalanin na ang mga staff at ang lahat ng bumubuo sa programa ay tao rin, napapagod din minsan kaya nagkakamali rin," sabi ni Vice. "Pero mapagod man ang utak at katawan namin, ang puso namin ay hindi mapapagod."
Humiling din si Vice Ganda sa mga manonood at netizens, "If you can, please be kinder to the show. Please be kinder to the staff. Kasi minsan, pagod na nga sila, nasasaktan pa sa mga masasakit na salita na hindi n'yo masyadong nauunawan."
Bukod kay Vice, nakatanggap din ng "Showtime Special Appreciation Award" sina Vhong Navarro at Jhong Hilario bilang dalawa rin sa matitibay na pundasyon ng programa.
Inihalintulad ni Vhong ang Showtime family sa mga sundalo na dapat laging handa sa tawag ng tungkulin dahil naniniwala silang obligasyon nilang magpasaya kahit sa mga araw na may pinagdadaanan silang mabigat sa personal na buhay.
Ibinahagi naman ni Jhong ang 'awaaard' sa mga kasamahang hosts, aniya, lahat sila sa grupo ay ibinubuhos ang puso't oras para sa show. Nangako rin siya na hanggat nariyan ang suporta ng madlang people ay hindi sila titigil na magbigay ng saya.
At ang pinakamalaking parangal, ang "Forever Fam Award," na mula mismo sa Madlang People, ay iginawad sa buong "It's Showtime" family. Dito, hindi nakalimutan ni Vice na pasalamatan ang GMA Network sa pagbibigay ng tahanan sa "It's Showtime" at sa ABS-CBN para sa pagkakataon na maipagpatuloy ang kanilang misyon.
Samantala, sa "Laro Laro Pick" segment, mga bus vendors ang bumida sa game arena. Kinilala ng hosts sina Julie Boy, nagtitinda ng burger sa bus, at Belen, na nagbebenta ng panutsa at iba pang pasalubong. Dahil sa kuwento ni Belen, humiling si Vice sa mga pamilya na iparamdam ang tunay na diwa ng pagmamahal lalo na sa darating na Pasko.
Si Teddy Corpuz ang umabante sa jackpot round pero ang paglalaro niya ay para sa lucky bus vendor na nabunot, si Joseph. Umasa si Teddy na makuha ang P100,000 Pot money para kay Joseph kaya tinanggihan niya ang P25,000 Li-Pot offer. Ngunit nabigo si Teddy na sagutin nang tama ang Pot question. Hindi naman pumayag si Vice na walang matatanggap na papremyo si Joseph, kaya nangako siyang bibigyan ito ng limang libong piso.
Bumisita rin si Julie Ann San Jose, na ipinarinig ang kanyang bagong kanta .
More good vibes at pag-asa ang hatid ng "It's Showtime" family. Mapapanood ang "It's Showtime" tuwing Lunes hanggang Sabado, 12 NN sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live (KOL), A2Z, GMA 7, at iWant.
