Humagupit na sa "It's Showtime" area of responsibility ang bumabagyong kagandahan at wit ng mga kandidata sa "Miss Q and A."
Pero bago ang talakan, may isang miss na napadaan! Tayo'y always napapalingon sa kanyang mapulang blush, ang awrahan ni Sasa Gurl for today's video, deserve ng sash. Best in Costume 'yan? Ang Halloween, parang dumating in advance.
Kung costume party ito, effortless si Miss Q&A Kulot ng Cavite, ang 'bunot' ni Vice Ganda for today. Pinag-sample ng gymnastics at pinakanta, pero ang hindi niya naipakita ay 'yung talent na kumagat ng bakal. Isa pang talent niya ay pasayahin ang Madlang People sa charisma niyang kamahal-mahal.
Umuwi man siyang 'lotlot' sa kompetisyon, nasungkit naman niya ang puso ng buong nation.
Samantala, sina Chloe Castillo ng Isabela at Rhed Sicuan ng Las Pinas ang umabante sa Wit Lang round kung saan tuluyan nilang pinakawalan ang fierce na skill sa talakan.
"Kung ginintuan ang puso mo, ba't 'di mo isanla?" 'yan ang tanong na nabunot ni Chloe, at ang sagot naman niya, bakit isasanla ang puso niyang handa pang magmahal nang buo.
Nabunot naman ni Rhed ang tanong na, "Kapag sinabihan kang bilang na ang araw mo, matatakot ka ba kung hindi ka naman marunong magbilang?" Sagot niya, mas nakakatakot 'yung hindi marunong magbilang at pinagkaitan ng edukasyon. At kung totoong bilang na ang kanyang araw, hindi naman siya takot pumanaw.
Para kina hurado Max Collins, Brent Manalo, at Nicole Cordoves, mas matimbang ang bilang ng sagot ni Rhed. Siya ang Miss Q and A Reyna TalakEra of the day.
Good vibes at pag-asa ang hatid ng “It’s Showtime,” Lunes hanggang Sabado, 12 NN, sa ABS-CBN sa ALLTV2, GMA 7, A2Z, Kapamilya Online Live (KOL) at iWant.
