Huwag matakot na makibaka. Pero siguraduhin na ang ipinaglalaban ay tama. Dito sa "It's Showtime," ipaglalaban natin ang mas maraming tawanan.
Nagkaisa ang mga 'accla' sa Miss Q and A segment. Ang kanilang chika, bawasan ang problema at dagdagan ang saya. Ipinanalo nina Pia Cayetatayno, Mama Dhel, at Samaya Jhay ang protesta kontra bad vibes.
Isa-isang inilatag ng mga kandidata ang mga paandar nilang intro, drawing laughter from the Madlang People in the studio. Si Vice Ganda, may napansin sa tatlong kandidata. Kung si Pia ay may mga matang ala Meryll Soriano, si Mama Dhel naman daw ay mukhang 'baby' na 36 years overdue.
Nang magsimula ang unang round, ang nasabi na lang ni Meme ay, "Diyos ko!" dahil sa sagot ng mga kandidata for today's video. Sa tanong na, "Ano ang plural ng salitang furniture?" sumagot ang isang kandidata, na para bang sure na sure, "Super furnitures."
Kaya si Meme, 'nanginig' at nag-react nang pabiro, "Nananawagan talaga kami sa Department of Education. Gumalaw na tayo."
Bumawi naman sina Mama Dhel at Samaya Jhay nang magharap sila sa ikalawang round, Wit Lang. Nabunot ni Mama Dhel ang tanong na, "Pwede ka bang mag-dilang anghel kahit mukha kang demonyo?" Samantala, ang napili ni Samaya, "Kung dentista ka, tatanggapin mo ba kung ang nagpapapasta ay bampira?"
Nagkakaiisa ang mga komento nina hurado Ralph de Leon, Nicole Cordoves, at Elijah Canlas na ang may kandidatang medyo kinapos, at ang isa naman ay naging mas malaman ang talak. Ang pinusuan ng mga hurado ay si Mama Dhel bilang Miss Q and A Reyna TalakEra sa araw na 'to.
Good vibes at pag-asa ang hatid ng “It’s Showtime,” Lunes hanggang Sabado, 12 NN, sa ABS-CBN sa ALLTV2, GMA 7, A2Z, Kapamilya Online Live (KOL) at iWant.
