Hindi lang tinig ang nagtagisan kundi mga pusong handang ilaban ang pangarap. Gumawa ng kasaysayan ang mga Pilipinong mang-aawit na nagsalpukan sa isang matinding Huling Tapatan ng 'TNT Duest 2' sa "It's Showtime" nitong Sabado, January 17.
Mula sa weeklong Grand Finals nitong Lunes hanggang Biyernes, anim na pares ang umabante sa Huling Tapatan.
Unang sumalang ang 'IN-2-U' Isay Olarte at Nowi Alpuerto na binigyan ng fierce and playful energy ang OPM hit na "Awitin Mo at Isasayaw Ko." Makatunaw-puso naman ang pinagsamang tinig nina Christian Tibayan at Arvery Lagoring a.k.a. 'OST Dreamers' na inawit ang "Sa Ngalan Ng Pag-Ibig."
Breaking stereotypes, intense vocal talent at showmanship ang ibinuhos ng 'Dugong Bughaw' Miah Tiangco at Eunice Encarnada sa kanilang "Banal Na Aso, Santong Kabayo" performance. Sumabog ang kilig sa studio nang kantahin nina Thor Valiente at Pia Carandang a.k.a. 'TNT Bestmates' ang "Can You Read My Mind."
Puso at mga tinig na palaban, pinag-isa ng 'Jezzian' sa tanghalan. Hinaplos nina Jezza Quiogue at Ian Manibale ang emosyon ng mga hurado sa pag-awit ng "Bawat Daan." Napaiyak rin ang iba sa pagtatanghal ng 'Pangmala-COUSINS' JR Oclarit at Mark Justo na binigyan ng bagong buhay ay "Kung Maibabalik Ko Lang."
Itinanghal na TOP 3 ang Pangmala-COUSINS, Jezzian at OST Dreamers, na naghatid ng exciting three-way battle sa final round kung saan muli silang umawit ng panibagong mga piyesa.
Sa final round, swabe pero mapuso ang atake ng Pangmala-COUSINS, singing "All My Life" by K-Ci and JoJo. 'All the feels' naman ang hatid ng "You'll Be Safe Here" ng Jezzian. At nakatanggap agad ng standing ovation mula sa mga hurado ang OST Dreamers bago pa man matapos ang kanilang "Kapag Ako Ay Nagmahal" performance.
Sa dulo, nasungkit ng Pangmala-COUSINS ang huling puwesto sa score na 95.4%, at pumangalawa ang Jezzian na may gradong 95.6%.
Kuminang nang todo ang pinagsamang husay nina Christian at Arvery (OST Dreamers) na 'almost perfect' ang nakuhang marka, 99.6%.
Bilang "TNT Duets 2" champion, makakatanggap ang OST Dreamers na talent management contract mula sa Star Magic, recording contract mula sa ABS-CBN Star Music, tropeo na gawa ni Toym Imao, at 500,000 pesos.
Ang mga haligi ng musikang Pilipino na umupo bilang mga hurado ay sina Ogie Alcasid, Bituin Escalante, Kyla, Erik Santos, Nyoy Volante, Darren Espanto, JM Yosures, Jonathan Manalo, at si Maestro Louie Ocampo ang nagsilbing Punong Hurado.
Parehong sumali sina Christian at Arvery sa ‘TNT The School Showdown’ kung saan umabot din sila sa ‘Huling Tapatan.’ Nakatuntong noon si Arvery sa Final 3 medley round at itinanghal na Third Placer. Si “PBB Collab 2.0” housemate Carmelle Collado ang kampeon sa nasabing edisyon.
Abangan ang mga panibagong boses na aangat sa “Tawag Ng Tanghalan,” na nagdiriwang ng ika-sampung anibersaryo. Good vibes at pag-asa ang hatid ng “It’s Showtime,” Lunes hanggang Sabado, 12 NN, sa Kapamilya Channel, GMA 7, ALLTV, A2Z, Kapamilya Online Live (KOL) at iWant.
