JackPOT sa tawanan ang January 16 episode ng “It's Showtime" kung saan bumida sa 'Laro Laro Pick' game arena ang madlang players na taga-Parañaque.
Nag-enjoy sina Vice Ganda, Jhong Hilario at Kim Chiu sa pakikipagkuwentuhan kay Jo, ang housewife na bagama't may edad na ay litaw pa rin ang ganda. Mapapa-'sana all' ka, dahil si Jo, maraming naging manliligaw noong kabataan niya!
At 69, may swag pa rin si player Ester. Ang ice candy niya, bestseller! Ito nga ang kanyang hanapbuhay matapos 'mag-retire' sa pagseserbisyo sa baranggay. From mango to cookies and cream at buko, name any flavor, mayroon si Ester, kaya naman binuksan na rin niya ang munting negosyo sa mga gustong maging reseller.
Pero, si nanay Ester, 'na-scam' umano ng isang taga-Makati na madalas umutang ng ice candy na ire-resell pero hindi naman nababayaran. Lugi raw siya sa liit ng kanyang puhunan. At kapag hindi naubos ang ice candy ni reseller, how true na ibinabalik ito kahit tunaw na? Naaliw sina Meme sa kuwento ng masayahing biyuda, kaya biniro nila ito na pangalanan ang taga-Makati na umuutang ng kanyang ice candy.
Samantala, sina Lassy at MC, may tampuhan? Para walang lamangan, pwede raw bang 'collab' na lang sa game arena at maglalaro sila as one? Ang 'chika' pa ni Meme, nagtataka raw si MC kung bakit sa C.R. nagme-make up si Lassy! Ano bang kuwento, Lassy?
Good vibes at pag-asa ang hatid ng “It’s Showtime,” Lunes hanggang Sabado, 12 NN, sa Kapamilya Channel, GMA 7, ALLTV, A2Z, Kapamilya Online Live (KOL) at iWant.
