Inimbitahan sa “It’s Showtime” segment na Laro Laro Pick ang ilang kababayan nating lubos na naapektuhan ng mga nagdaang kalamidad sa Cebu at Negros Occidental. At sa kanilang pagdating sa game arena, ibinahagi nila ang mga sugat na iniwan ng unos.
Isa na rito si Luna, mula sa Cebu. Ayon kay Luna, hindi na bago ang baha sa kanilang lugar, pero hindi sa ganitong bilis at ganitong tindi. Karaniwang abot-tuhod lang ang pinakamataas na baha sa kanila, pero sa hagupit ng Bagyong Tino, isang iglap lang ay umabot na hanggang baywang ang tubig.
Kasama ni Luna noon ang dalawang anak (tatlong taong gulang ang isa, tatlong buwan naman ang isa pa) at ang biyenang babae, habang ang mister niya ay isang linggo pa lamang sa trabaho sa barko. Kasama rin nila nang mga oras na ‘yon ang ilang kapitbahay, kabilang ang ilang batang nakiakyat na rin sa kanilang bubong para hindi tangayin ng rumaragasang baha. Hanggang sa umabot na sa kisame ang tubig, napadasal na lang si Luna habang naghihintay ng rescue, “Lord, huwag namang hanggang dito na lang ang buhay namin. Sana maligtas kami.”
Matapos ang halos kalahating oras ng paghihintay, kumilos ang grupo para gumawa ng paraan. Isang lubid ang ginamit nilang tulay papunta sa kabilang bahay. Naitawid ang panganay ni Luna. Ang sanggol naman, nilagay niya sa isang bag na ikinabit niya sa kanyang katawan. Pero sa gitna ng kanilang paglipat, tuluyang nabuwal ang bahay nina Luna.
"Nawalan po ako ng malay kasi may dumagan sa likod ko," kuwento ni Luna. "Tapos paggising ko wala na po 'yung three-month-old [na anak ko]. Habang nalulunod ako, nawala na po 'yung bag na nakalagay sa katawan ko," pagbabahagi ni Luna. At habang nalulunod siya, hindi na rin niya namalayan na nalunod na rin pala ang panganay niyang anak. Kumapit si Luna sa kahit anong abot ng kamay hanggang sa tumama ang katawan niya sa isang puno. Sa lakas ng "impact," nawalan siyang muli ng malay. "Parang may gumising sa akin na, 'Kailangan mong mabuhay.'" Pagbalik ng malay niya, may isang taong nagmagandang loob at itinuro sa kanya ang direksiyon ng lubid na maaaring kapitan. "Humawak ako sa lubid habang rumaragasa ang tubig tapos iyak ako nang iyak, sabi ko, 'Nasaan na kayo mga anak?' Sigaw ako nang sigaw ng pangalan nila."
May nagkuwento na lang sa kanya na matapos ang pagkakabuwal ng kanilang bahay ay natumba rin ang konkretong istrukturang kinatatayuan noon ng panganay niyang anak. Katulad ng dalawang batang anak ni Luna na inanod ng baha, nawalan din ng buhay ang kanyang biyenan.
Katulad ni Luna, pilit din na bumabangon ang iba pa niyang kasamahang players. Si Vice Ganda, ipinagdasal ang mga biktima at survivors ng kalamidad.
Good vibes at pag-asa ang hatid ng "It's Showtime" tuwing Lunes hanggang Sabado, 12 NN sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live (KOL), A2Z, GMA 7, at iWant.
