MAYNILA – Inamin ni Bugoy Cariño na sumagi sa isip niya na ipalaglag na ang bata sa sinapupunan noon ng nobyang volleyball player na si EJ Laure.
Sa kaniyang panayam sa vlog ni Karen Davila para sa Father’s Day, naging totoo si Cariño sa kaniyang sagot na natakot siyang maapektuhan ang kaniyang pausbong na career sa showbiz nang malamang buntis si Laure.
Noong panahong iyon, menor de edad lamang si Cariño, 16, habang 21 anyos na si Laure na noo’y naglalaro para sa UST Tigresses.
“Una po talaga ang desisyon namin ipalaglag na lang yung baby. Parang bata pa ko nun, hindi ko alam na buhay pala yung mawawala kapag ipinalaglag mo or something,” pag-amin niya.
“Sabi ko sarili ko, o sige para lang mabalik yung career ko. Alang-alang sa family ko para makatulong ako talaga nang sobra at para mabalik yung mga shows na ibinigay sakin. Yung tiwala sa'kin ng ABS. Sige, ipalaglag na lang.”
Ngunit makalipas ang isang linggo, napagtanto ng batang aktor na para na rin siyang pumatay ng tao kung ipapalaglag nila ang bata.
Dahil dito, kinausap na niya ang kaniyang mga magulang kahit na galit pa rin ang nararamdaman ng mga ito sa nangyari.
“Kapag pinalaglag ko pala ito, parang itong yung isa sa pinakamalaking kasalanan na magagawa ko sa buhay ko,” ani Cariño.
Lalo itong nagkaroon ng kumpiyansa sa sarili nang makausap na ang ama na nasa Saudi Arabia dahil sa pinaalala nito sa kaniya.
“‘Bunso, pag yan pinalaglag mo ang bata, huwag mo na kong tawaging tatay. Pag pinalaglag mo yan, di ka tunay na lalaki,’” saad ng kaniyang ama sa kaniya.
Kaya malaki ang pasasalamat ni Cariño sa ama dahil ito ang nagbigay sa kaniya ng lakas ng loob upang ipagpatuloy ang pagbubuntis ni Laure.
Kinausap na rin niya ang kasintahan na pumayag din sa plano lalo pa’t nais na rin umano nitong pansamantalang magpahinga sa paglalaro ng volleyball.
Ngunit kinailangan pa rin nilang harapin at tanggapin ang matinding galit ng pamilya ni Laure na hindi aniya sila kinausap nang matagal.
Alala pa ni Cariño, may mga pagkakataon noon na nakayuko lamang siya habang kumakain kasama ang pamilya ng atleta dahil sa kahihiyan.
Samantala, dinepensahan naman ni Cariño sa mga kritiko ang ina ng kaniyang anak. Inulan kasi ng batikos ang kanilang pagsasama lalo pa’t menor de edad lamang ang aktor nang makabuntis habang si Laure ay nasa tamang edad na.
Ayon sa kaniya, siya ang may gusto ng mga nangyari kaya hindi puwedeng sisihin si Laure sa nangyari.
“Hindi ako masisisi ng tao. Hindi masisisi si EJ ng mga tao kung bakit di pigilan ang sarili. Ako po talaga ang may gusto kay EJ. So, sabi ko sa kanya, 'wag mo na pansinin. Pagdating naman ng panahon wala na yan eh. Magbabago din isip nila,” paliwanag nito.
Dahil nawalan ng trabaho sa nangyari, nag-alala si Cariño kung paano magkakaroon ng pera. Buti na lamang, nakapagpatayo ito ng mineral water station na negosyo mula sa mga kinita sa showbiz.
Pinasok din niya ang online selling kahit noong una ay nakakaramdam ng hiya dahil sa maaaring sabihin ng publiko.

