TARLAC — Naaresto ng mga operatiba ng Naic Municipal Police Station ang most wanted person sa Region 4A isinagawang operasyon sa Barangay Anupul sa Bamban, Tarlac, pasado alas-12:22 ng madaling araw nitong Sabado, Agosto 1.
Kinilala ni Cavite Provincial Police chief PCol Ariel Red and suspek na si “Farell” na may kinahaharap na kasong three counts of murder at apat na kasong homicide.
Sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng Regional Trial Court Branch 15 sa Naic, Cavite pinangunahan ng mga tauhan ng Naic MPS, kasama ang mga pulis ng Bamban, ng Tarlac Police Provincial Office at Police Regional Office 3, ang operasyon.
Ayon PLt. Col. Louie Gonzaga, hepe ng Naic MPS, naaresto ang suspek sa kanyang tirahan sa Bamban.
Kabilang sa mga kaso laban kay "Farell" ay ang pamamaslang noong 2015 sa anak ng may-ari ng cable company at sa isang pulis sa isang engkuwentro sa pagitan ng 2016 at 2018.
Iniuugnay rin umano ito sa pagpatay sa barangay chairman ng Palangue Central sa Naic noong 2016.
Sinabi rin ng opisyal na matapos umanong lumabas ang unang warrant of arrest noong 2018, nagtago ang suspek sa Bamban kung saan nakapag-asawa ito at nagtrabaho bilang driver sa isang hotel sa Angeles City.
Ang suspek ay dating chief tanod ng Barangay Latoria sa Naic at nabansagang High Value Individual sa ilegal na droga.
Nagpapatuloy ang imbestigasyon habang inihahanda ang pagharap ng akusado sa mga kasong isinampa laban sa kanya sa korte.

