MANILA -- Isang riot ang sumiklab sa Marawi City ngayong araw ng Halalan 2025.
Dahil sa naging sigalot ng supporters ng dalawang grupo sa Barangay Sagonsongan, naapektuhan ang mga botanteng nasa loob na ng presinto, at kinailangang lumabas ng pulis at militar at mamagitan sa mga nag-aaway.
Bukod pa dito, naantala rin ang pagboto nang higit kalahating oras sa isa pang presinto sa lungsod dahil nagbuhos ng tubig ang isang poll watcher sa automated counting machine.
Kinailangan pang hintayin mula sa munisipyo ng Marawi ang contingency machine.
Sa isa pang eskwelahan sa Marawi, dalawang poll watcher ang nagsuntukan.
Sa ngayon, kinakapkapan na ng militar at pulis ang mga papasok sa presinto.
Ang Barangay Sagonsongan ay may 14,000 botante, pinakamarami sa lungsod.

