Age is just a number dahil feeling young ka forever kapag ang araw ay puno ng laughter. Kung gamot sa stress ang hanap, good vibes lang ang katapat kasama ang mga madlang senior citizens na bumisita sa 'Laro Laro Pick' game arena, sa April 21 episode ng “It’s Showtime.”
Sa mga sakit ng katawan, huwag kalimutan, tawa is also the best maintenance. Parang gamot na nakakawala ng lungkot ang mga jokes ni Vice Ganda. Biro niya, nagkaroon siya ng 63-year-old jowa pero nauwi umano sa breakup ang kanilang love story. Bakit nga ba, Meme? "‘Pag kini-kiss niya ako, may pakla. Uric acid pala ‘yung nakukuha ko." Meme, ang funny!
Matamis ang mga ngiti ni player Neknek, pero sa likod ng tawa ay kuwento ng hirap na tahimik niyang hinaharap.
Sabi ni lola, itinataguyod niya ang apong 7, 12, at 15 taong gulang. Nang tanungin kung nasaan ang mga magulang ng mga bata, sagot niya, iniwan na lang sa kan'ya ang mga apo nang walang sustento. Puro lang daw salita't pangako na magpapadala ng panggastos pero hindi naman nagagawa. Bukod pa riyan, may kanya-kanyang bagong pamilya na ang ama't ina ng mga bata.
Hindi naitago ni Vice Ganda ang naramdamang lungkot at sakit para sa matanda. "Anong pangalan ng mga magulang na 'yan?! Bakit nandito sa matanda 'yung mga bata! Kawawa naman ito!" sigaw ni Meme, na pabiro pa ang tono ng pananalita no'ng una.
Pero maya-maya pa ay naging seryoso siya. "Diyos ko naman 'yang ganyang mga magulang! Pagkatapos tumirik ang mga mata, naglayasan na. Hindi gano'n! Hindi pwedeng happy-happy ka lang nang three hours tapos 'yung lungkot habambuhay sa matanda," dagdag ni Meme. "That's just so unfair. Ang unfair sa matanda. Ang unfair sa mga bata."
Bagama't parang disappointed, hinikayat ni Vice ang mga magulang ng mga apo ni Lola Neknek na bumangon at itama ang mga pagkakamali. "Alam mo, sa buhay mayroon tayong mga desisyon na nagagawang mali. Hindi naman tayo perfect, eh. May mga nagagawa tayong desisyon, pero make sure na lahat ng desisyon mo, kailangan ikaw ang pumapasan, tama man ito o mali. Hindi 'yung gawa ka lang nang gawa tapos ang mga epekto nito, iba ang pumapasan. Hindi gan'on ang life."
"You have to be responsible," sabi ni Meme Vice. "Kung sino man 'yung magulang, may pagkakataon ka pa. Pwede kang bumawi bukas. Pwede mong unti-unting ituwid ang mga pagkakamali na 'yan."
Interesting din ang mga baong kuwento ni Tatay Bubot, na nagbahagi ng ilang bagay mula sa 'sunnah' o ang mga traditional social and legal customs ng Islam katulad ng paniniwala nila sa paglilibing at pagpapahaba ng balbas.
Good vibes at pag-asa ang hatid ng “It’s Showtime,” Lunes hanggang Sabado, 12 NN, sa ABS-CBN sa ALLTV2, GMA 7, A2Z, Kapamilya Online Live (KOL) at iWant.
