Makulay tulad ng rainbow ang episode ng "It's Showtime" nitong Miyerkules, December 10. Perfect na panimula ang pagkanta ni Kapamilya artist Bryan Chong ng “Tala,” theme song ng Metro Manila Film Festival 2025 entry “Call Me Mother” na pinagbibidahan nina Vice Ganda at Nadine Lustre.
Sa "Laro Laro Pick," bandera ng LGBTQIA+ community ay iwinagayway. Naglaro ang mga loving parents na may mga anak na LGBTQIA+ members. Kaya bukod sa LOVE, JOY, at HOPE, dama rin ang PRIDE sa game arena.
Naantig ang puso ng madlang people sa kuwento ni Edong, 67, may walong anak. Kung gaano kalaki ang kanilang pamilya, ganoon din niya ipinagmamalaki ang anak na beki, si Magda Joy, na maliit pa lang ay nakitaan na niya ng pagiging bakla. Tinanggap niya nang buo si Magda Joy, o MJ, na kahit noong bata pa lang ay binibilhan na niya ng laruang pambabae tulad ng manika dahil ito ang magpapasaya sa anak. "Okay lang sa akin, wala naman siyang ginagawang mali,” sabi ni Tatay edong.
Proud si Tatay Edong kay MJ, ang breadwinner ng pamilya at tumutustos sa pag-aaral ng apat na pamangkin. At kahit anong mangyari, mananatiling buo ang pagmamahal niya rito. Ang hiling niya, sana lahat ng LGBTQIA+ parents na tulad niya ay buksan ang puso at pang-unawa para sa mga anak. Pangako naman ni MJ, "Tinataya ko ang buhay ko para sa kanila dahil 'yun lang din ang kayamanan ko, sila."
Tricycle driver at rumaraket din bilang air con technician si Balat, may 7 supling. Fifteen years old naman ang anak niyang si Alvin Jay nang mapansin niya ang pagiging beki, na madali naman niyang natanggap. Sinasamahan pa nga niya ang anak sa mga sagala at beauty pageants na sinasalihan nito. At kahit napapagastos sa makeup at gown, ayos lang, basta makita niya itong masaya at maganda.
"Mahirap pero masaya," ganyan naman kung ilarawan ni Annsie ang pagkakaroon ng 3 anak na LGBTQIA+ members—bakla, tomboy, at bisexual. "Nasa lahi" raw nila ang pagkakaroon ng mga anak na LGBT pero siniguro niyang mabe-break ang toxic cycle ng kanilang angkan na kinasanayan ang pananakit sa anak na “iba” ang piniling kasarian. Nasaksihan niya ang hirap ng pinagdaanan noon ng mga pinsan kaya ipinangako niyang hindi kailanman pagbubuhatan ng kamay ang mga anak anuman ang kasarian. Katulad ng mga kasamahang magulang, proud siya sa mga anak na pawang varsity scholars.
After four rounds of elimination, si Mommy Lea naman ang nakakuha ng lucky balloons na ticket to the jackpot round, kung saan P200,000 ang pwedeng mapanalunan. Lucky charm ni Lea ang anak na beki, si Dom, dahil kahit pinili niya ang P35,000 Li-Pot offer kapalit ng Pot question, it was the best decision. Dahil kung sinagot niya ang tanong, wala siyang maiuuwing papremyo kung nagkataon!
LGBT, as in Laging Gini-give ang Best sa Tanghalan! Ganyan ang motto ng mga duos na sumalang sa "TNT Duets 2."
Fresh from TNT 9, nagbabalik sina Angelica Magno at Almaerra Recentes, na parehong grand finalist ng kanilang edisyon. But this time, fiercer than ever. Masayang ibinalita ni Almaerra na nag-reach out ang kanyang estranged mother matapos siyang mapanood sa "TNT 9" kaya kahit hindi man nasungkit ang kampeonato, higit pa sa milyon ang kanyang panalo. Wagi rin sila sa papuri ng mga hurado, na nag-standing ovation for their "River Deep, Mountain High" performance.
Joined forces din sina Juliana Tagalog and Shane Castillo sa entablado, singing “If The World Was Ending.” Happy ang ending ng performance nila matapos ma-impress ang mga hurado with their storytelling.
Parehong magaling pero isa lang ang tunay na nagningning. Sina Almaerra at Angelica ang daily winner matapos makakuha ng score na 97.7% laban sa 95% nina Juliana at Shane.
More good vibes at pag-asa ang hatid ng "It's Showtime,” mapapanood tuwing Lunes hanggang Sabado, 12 NN sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live (KOL), A2Z, GMA 7, at iWant.
