Puno ng enerhiya at sigawan ang mga Butuanon matapos pasiklabin ni Kapamilya star Darren Espanto ang entablado sa kanyang performance bilang guest artist sa pagdiriwang ng 76th Adlaw Hong Butuan sa Butuan City kagabi, Agosto 2.
Nakisabay sa pagkanta at pagsayaw ang libu-libong manonood habang sunod-sunod na inihandog ni Darren ang ilan sa kanyang mga hit songs, dahilan upang lalong maging masigla ang selebrasyon.
Facebook/Butuan City PIO
Ayon kay Darren, masaya siyang muling makabalik sa Butuan City. Ibinahagi niyang isa ang Butuan sa mga unang lungsod na kanyang napuntahan para magtanghal matapos ang kanyang paglahok sa "The Voice Kids," kaya naman espesyal ang kanyang pagbabalik makalipas ang mahigit isang dekada.
“It's so nice to be back to perform here in Butuan City. Twelve years later — grabe, ang bilis ng panahon. Sana ay mag-enjoy po kayo sa mga kakantahin ko para sa inyo ngayon," ani Darren.
Naging mas makahulugan ang kanyang pagbabalik dahil sa mainit na pagtanggap ng mga Butuanon, na buong pusong nakisabay sa bawat awitin at nagbigay ng masigabong palakpakan sa buong pagtatanghal.
Bukod kay Darren, nag perform din ang bandang Dilaw at si Gigi de Lana.