MAYNILA -- Tiniyak ni National Artist for Film and Broadcast Arts Ricky Lee na pantay-pantay ang pagtrato sa lahat ng aplikante sa pagbabalik ng kanyang scriptwriting workshop, sa gitna ng paglabas ng samu’t saring isyu hinggil sa proseso ng pagpili.
Sa kanyang opisyal na pahayag na inilabas nitong Martes, Disyembre 9, iginiit niyang batay sa kwalipikasyon at sa matagal na niyang “mixing” system ang pagpili ng mga mapapasama sa bawat batch ng kanyang libreng workshop.
Ani Lee, sadyang binuksan ang workshop para sa lahat upang, bukod sa mga taga-industriya, ay mabigyan din ng pagkakataon ang mga baguhang nais magsimula sa pagsusulat.
"Nilinaw namin sa selection committee ang guidelines sa pamimili. Na pantay-pantay ang karapatan ng lahat, whether celebrity, datihan, o baguhan, na matanggap. Basta qualified, gustong makapagsulat, at angkop sa gagawing mix ng bawat batch. Kasama rin sa batayan ng application ay ang malikhaing pagsagot nila sa questions (na kasama sa criteria) na naging batayan din," ani Lee sa kanyang official statement.
Paliwanag ni Lee, noon pa ay ginawa na niya na pagsamahin ang mga baguhan at mga nagtatrabaho sa industriya dahil malaki ang naitutulong ng huli sa workshop.
"Lahat ito, in the belief na mas inclusive ang ganitong sistema. Dahil sa karanasan ko ay hindi maganda ang homogenous o pare-parehong baguhan o pare-pareho ng pinanggalingan ang mga nasa batch," dagdag ni Lee.
Ayon kay Lee, naging mabusisi ang proseso sa pagpili ng mga makakasama sa workshop.
"Kung workshop ito na may bayad ay mas madali siguro ang pamimili dahil ang maging batayan ay ang kakayanang magbayad. Maraming natanggap na taga-pelikula at marami ang hindi natanggap. Marami ang kaibigan at anak ng kaibigan ang hindi rin natanggap. Sa huli, ang pinairal ay kung qualified ba, at angkop sa mix," ani Lee.
"Sa naging final results, halos kalahati pa rin ng bawat batch ay mga baguhan."
Dagdag ni Lee, umabot sa mahigit 200 ang kuwalipikadong aplikante kaya bago pa man ilabas ang listahan ng Batch 30 at 31 ay napagdesisyunan na nilang bumuo ng Batch 32, na karamihan ay mga baguhan. Aniya, nag-email sila sa 2,600 aplikante upang ipaalam ang bagong batch at maghanda rin ng isang whole-day session sa mas malaking venue para sa lahat ng hindi makakapasok, pati na ng online workshop para sa mga nasa labas ng Maynila.
Noong 1982, sinimulan ni Lee ang libreng workshop na aniya'y paraan niya para muling makapagbalik sa industriya na naging mabuti sa kanya.
Sa higit apat na dekadang pagsasagawa ng workshop, umaasa si Lee na pagkakatiwalaan siya sa sistema ng mixing sa bawat batch.
"Alam ko kung paano makaramdam ng rejection dahil na-reject na rin ako nang maraming beses. Kaya alam ko ang nararamdaman ng mga hindi natanggap. Kaya sinikap pa naming hanggat makakaya ay gumawa ng paraan para mag-accommodate ng as many as possible. Simula pa noong 1982 nang umpisahan ko ang personal at libreng workshop na ito, karamihan ng participants ay mga baguhan at nagsisimula pa lamang. Bilang pasasalamat ko na rin sa industriyang naging mabait sa akin all these years, gusto kong namang mag-payback sa pamamagitan ng pagtulong sa mga active filmmakers na nag-apply at matagal ko na rin namang gustong makasama sa workshop. Kaya marami sila sa dalawang batch na ito. Marami pa rin nga sa kanila ang hindi rin nakapasok dahil hindi angkop sa mix," ani Lee.
Giit ni Lee, nakikinig siya at natututo sa mga diskurso.
"Gusto ko ring sabihing hindi pa rin nawawala ang drive at enthusiasm ko na makatulong sa ibang tao, sa abot ng aking makakaya. Una at huling statement ko na sana ito dahil gusto kong mas ituon ang aking panahon at lakas sa pagtulong sa mas marami pang mga nangangarap magsulat. Pero kung kinakailangan, open naman akong makipag-dialogue dahil in the end, iisa lang naman ang hangarin nating lahat, ang makatulong sa iba at ang mapabuti ang ating industriya," ani Lee.
Nitong Disyembre 7, inilabas ni Lee ang listahan nga napili para sa Batch 30 at Batch 31.
Ang mga napili ay ang mga sumusunod:
Batch 30: Angel Tomas; Celeste Lapida; Charlie Vitug; Cristine Reyes; Dodo Dayao; Jerom Canlas; JC Rubio; JC Santos; Jon Galvez; Jonas Ibañez; Jose Elian Idioma; Jose Pascual Arnaldo; Joseph Albert Mangat; Joseph Vitali; Kara Moreno; Kara David; Kenneth Dagatan; King Palisoc; Kyla Romero; Kylie Padilla; Marvic Kevin Reyes; Nour Hooshmand; May-i Padilla; Miko Livelo; Mookie Katigbak-Lacuesta; Noreen Capili; Phi Palmos; Ralph Adriane Ramos; Robert Pagdagdagan Raz; Shaira Santiago; Terence Giourdan Gonzalves; Vahn Pascual; Vincent De Jesus; Wanggo Gallaga; Yani Villarosa; Yong Tapang.
Batch 31: Adjani Arumpac; Anne Princess Jayle Kinoc; Arthur David San Juan; Bryan Brazil; Chai Fonacier; Christian Balagoza; Emil Hofileña; Hershey Cristabel Neri; Issa Lopez; Jelou Galang; Joseph Anthony Brillantes; Jules Katanyag; Justin Brylle Mactal; Karylle Tatlonghari; Kevin Mayuga; Kris Ulrich Cazin; Kristine De Leon; Luis Barredo; Manny Castro; Mark Dela Cruz; Mikko Baldoza; Mio Dagsaan; Nicole Frances Rosacay; Nigel Santos; Norvin Delos Santos; Paul Morales; Pia Perez; Rafael Jimenez; Renei Dimla; Rica Peralejo; Rodiell Veloso; Romnick Sarmenta; Ronald Atianzar; Thandie Aliño; Tim Rone Villanueva; Xavier Axl Roncesvalles.
