MAYNILA -- "'Yung ibang nagnanakaw ng bilyon-bilyon pero hindi mo makikitaan ng ganito. Samantalang si Kuya Hesus, wala naman siyang bilyon, wala siyang milyon pero tumutulong pa rin siya. Ganyan ang Pinoy."
Napapanahon ngayong Kapaskuhan ang mensaheng ito ng kabutihan at pagbibigay nang walang hinihinging kapalit, na muling naranasan ng aktres na si Ivana Alawi.
Sa kanyang pinakabagong vlog, ibinahagi ni Alawi ang espesyal na proyekto kung saan nagkunwari siyang buntis. Layunin niyang makita ang tunay na puso ng mga tao at gantimpalaan ang may mabubuting intensyon.
"Being a mom is very special. Paano tinatrato 'yung mga buntis. Gusto ko lang makita kung paano tinatrato yung mga buntis. Gusto ko lang makita kung sino ang may magagandang puso," ani Alawi sa simula ng kanyang vlog.
Sa vlog, napatunayan ni Alawi na marami pa rin ang mga taong handang tumulong lalo na sa mga buntis.
"Grabe talaga ang mga Filipino, kahit hindi sobrang yaman, kahit hindi sobrang daming pera pero tutulong sila. Nakakatuwa talaga. Ang natutunan ko today is always be kind. 'Yung isang lesson din is napakahirap maging buntis, (lalo na) kung nagkamali ka nang piniling partner. The important thing is maraming Pinoy ang handang tumulong. Para tayong malaking pamilya. Nakakatuwa maraming may mabait na puso. Handa silang tumulong sa kapwa Filipino na kahit hindi nila kapamilya, hindi kamag-anak. Proud to be Pinoy," aniya.
Si 'Kuya Hesus'
Screen grab: YouTube/Ivana Alawi
Naranasan ni Alawi ang kabutihan at bukas-pusong pagbibigay na siyang diwa ng Pasko nang makilala niya si Kuya Hesus, isang palaboy na nagbigay sa kanya ng P10 nang makita nitong nanghihingi siya ng makakain sa kalsada.
Kahit walag-wala sa buhay, hindi nagdalawang-isip si Kuya Hesus na magbigay ng pera para makabili aniya ng sabaw si Alawi.
Sa kanilang naging pag-uusap, naramdaman at nakita ng aktres ang kabutihan ng puso ni Kuya Hesus na naniniwalang nakikita ng Diyos ang lahat ng mga nangyayari at nakikinig sa mga panalangin.
Screen grab: YouTube/Ivana Alawi
Dahil sa ipinakitang kabutihan, muling binalikan ni Alawi si Kuya Hesus kung saan bitbit niya ang mga simpleng hiling nito tulad ng damit, pagkain at sapin.
Nangako rin si Alawi na sa abot ng kanyang makakaya ay tutulungan si Kuya Hesus na aniya'y kanyang ipagagamot. At kapag maayos na ang kalagayan ni Kuya Hesus, magbibigay din siya ng P100,000 para sa panimula nito.
Screen grab: YouTube/Ivana Alawi
Nanawagan din si Alawi sa mga kamag-anakan ni Kuya Hesus na makipagtulungan sa kanya.
"Sino mag-aakala, wala naman siyang ipon, wala naman siyang hawak na pera na malaki. Ang nakita ko nga P5 lang ang natira sa kanya pero masaya pa rin siya. Saan ka ba makakakita ng ganoon na P15 na lang ang pera ibibigay pa ang P10, P5 na lang ang matitira sa kanya. Kaya naniniwala ako mabait ang puso ni Kuya Hesus," ani Alawi.
"Grabe. Ngayon lang ako nakakita ng ganyang tao. Ngayon lang ako naka-experience ng ganito. At sana sa ibang tao, ma-inspire kayong tumulong, kahit pakonti-konti. 'Yung ibang nagnanakaw ng bilyon-bilyon pero hindi mo makikitaan ng ganito. Samantalang si Kuya Hesus wala naman siyang bilyon, wala siyang milyon pero tumutulong pa rin siya. Ganyan ang Pinoy," pagtatapos ni Alawi.