← Back to Home
Kiray Celis, sinurpresa ang ina ng isang milyong piso

Kiray Celis, sinurpresa ang ina ng isang milyong piso

Nasurpresa ang ina ng komedyante at vlogger na si Kiray Celis matapos makatanggap ng birthday gift na nagkakahalagang isang milyong piso.

🕒 4/11/2023, 7:10:33 AM233 wordsEN

ABS-CBN News

#Kiray#Kiray Celis#vlog

Nasurpresa ang ina ng komedyante at vlogger na si Kiray Celis matapos makatanggap ng birthday gift na nagkakahalaga ng isang milyong piso.

Ayon sa vlog ng aktres sa Facebook, ikinubli nito ang surpresa sa isang simpleng spelling competition na mayroong P20,000 na cash prize na posibleng mapanalunan sa pagitan ng kanyang ama at ina.

Ngunit nang magwagi ang ina ng aktres, pinapili ito kung kukunin ang P20,000 o ang mystery box na naglalaman ng isang milyong piso.

Laking gulat ng ina nang makita ang laman ng box ng helmet na kung saan inilagay ng aktres ang isang milyon. “Ito na ‘yong pinangako ko sa ’yo, isang milyon para sa 'yo,” sabi ng aktres.

Nais ng aktres na gamitin ng kanyang ina ang pera upang maipagawa ang bago nilang bahay na kalaunan ay gagawing paupahan.

“Pinag-ipunan ko ‘to, kasi ito ‘yong gusto kong ibigay sa kanya kasi nga ipapagawa niya ‘yong bago naming bahay,” ibinahagi ng aktres sa simula ng kanyang vlog.

Emosyonal ang aktres matapos maipagkaloob ang kanyang malaking supresa sa ina. “Kapag mayroon ka palang goal, tapos gusto mong maibigay agad, bibigay talaga agad ni Lord,” aniya.

Hindi naman napigilan ng ina na maging emosyonal sa natanggap sa regalo mula sa anak.

“Maraming salamat Kiray, kasi ikaw talaga ang breadwinner naming lahat dito. Nak, ang laking tulong nito sa amin,” pasasalamat ng emosyonal na ina sa aktres. -- Bryan Gadingan, ABS-CBN News Intern

Related Articles

Cheezmis

Legit na chismis, mas pinabilis.

© 2026 Cheezmis. All rights reserved.