MAYNILA — Sa isang post sa X, sinabi ng Dubai Media Office na kinumpirma ng Dubai Airports na nagtamo ng 'minor damage' ang isang concourse ng Dubai International (DXB) sa United Arab Emirates dahil sa isang insidente.
Hindi man direktang binanggit ng mga otoridad ang partikular na sanhi, ikinuwento ni Irene Edradan na nabanggit sa kanya ng mga kaibigang Pilipinong nagtatrabaho sa isang retail store sa paliparan na may malakas silang pagsabog na narinig.
"Malakas na pagsabog daw po eh, so I'm not sure if debris o baka 'yung mag hindi na-intercept na missiles, kasi around 1:00 AM [UAE time], ang daming explosions na narinig namin dito eh," pagbabahagi niya.
Sa kanilang ibinahaging mga larawan, makikitang nabalot ng makapal na usok at alikabok ang ilang tindahan at pasilidad ng paliparan.
Ayon sa DMO, na-contain na ang insidente at nasa lugar na ang mga awtoridad at emergency response team. Sinabi rin nitong apat na staff ng paliparan ang ginamot dahil sa natamong mga sugat.
"Four staff sustained injuries and received prompt medical attention. Due to contingency plans already in place, most of the terminals were previously cleared of passengers. Further updates will be provided as they become available," saad pa ng DMO.
Sa hiwalay na post, iniulat naman ng Abu Dhabi Airports na may "insidente" sa Zayed International Airport kung saan may isang Asian national ang namatay. May pito rin na nasaktan sa insidente.
Naglunsad ang Iran ng mga air strike sa ilang bansa sa Middle East bilang tugon sa atake ng Israel at ng US na tinawag ng dalawang bansa na "preemptive attack" sa sinasabing banta mula sa Iran.
