← Back to Home

FACT CHECK: Hindi totoong ililibing ang isang vlogger sa Libingan ng mga Bayani

Batay sa mga patakarang nagpapatakbo sa Libingan ng mga Bayani , hindi nabibilang sa mga pinapayagang ilibing dito si Mima Alicia, ang screen name ng vlogger na si Alicia Lipata na pinaslang noong July 17, 2026.

🕒 8/6/2026, 8:38:09 AM407 wordsEN

ABS-CBN Research and Verification Unit

#Libingan ng mga Bayani#Mima Alicia#Armed Forces of the Philippines#AFP#misinformation#disinformation#fact check#ABS-CBN Research and Verification Unit


Taliwas sa kumakalat online, hindi totoong ililibing ang isang vlogger sa Libingan ng mga Bayani, at pinabulaanan din ni Cagayan de Oro 1st District Rep. Lordan Suan na isinusulong niya ito. 

Tatlong group pages ang nakita ng ABS-CBN Factcheck na nagbahagi ng mga post na nagsasabing umano’y isinusulong ni Suan ang pagpapalibing kay Mima Alicia sa Libingan ng mga Bayani.

"Mima Alicia" ang screen name ng vlogger na si Alicia Lipata na pinaslang noong July 17, 2026. Ibinahagi ang mga post tungkol sa umano’y pagsusulong ng pagpapalibing sa kanya sa Libingan ng mga Bayani noong July 30 at August 2, 2026. Sa kabuuan, nakapagtamo na ang mga post ng mahigit 5,700 likes, 2,300 comments, at 650 shares ngayong August 6. 

Babaeng vlogger patay sa pamamaril sa Caloocan City 

Batay sa mga patakarang sumasaklaw sa Libingan ng mga Bayani, hindi kwalipikado si Lipata para ilibing sa nasabing himlayan. Batay sa Armed Forces of the Philippines (AFP) Regulations G 161-375, ang mga sumusunod lamang ang mga maaaring mailibing dito:

•    Mga nakatanggap ng Medal of Valor

•    Mga presidente ng Pilipinas

•    Mga chief of staff, general/flag officer, active at retired military personnel ng AFP, kabilang ang mga dating miyembro ng AFP na pumasok sa Philippine Coast Guard at Philippine National Police

•    Mga kalihim ng Department of National Defense

•    Mga war veteran, o mga sumali sa Philippine Revolution noong 1890, World War I at II, at mga kinikilalang guerrilla

•    Dignitaries, o mga matataas na opisyal ng gobyerno o simbahan

•    Statesmen, o mga taong may karanasan sa government affairs

•    Mga nahalal sa Kongreso

•    Mga National Artist

•    Iba pang mga inaprubahan ng presidente, ng Kongreso, o ng kalihim ng national defense

Samantala, sa isang mensaheng ipinadala ng opisina ni Suan sa ABS-CBN Fact Check, pinasinungalingan nila ang kumakalat na post online.

“Malinaw po na ito ay naglalaman ng maling impormasyon at ginagamit bilang propaganda upang sirain ang reputasyon ni Congressman Atty. Lordan Suan,” saad ng pahayag ng opisina ni Suan. 

Sa datos ng Philippine Veterans Affairs Office na siyang nangangasiwa sa Libingan ng mga Bayani, 53,674 ang nakalibing dito as of May 31, 2024.

Kabilang ang 22 AFP chiefs of staff, 53 National Artists, 52,068 na miyembro ng AFP, at 1,526 na statesmen/dignitaries at iba pang VIPs.—with research from Christopher Bauso

 

Kung kayo’y may alam na kahina-hinalang social media page, group, account, o website, artikulo, larawan, o impormasyong ipinapakalat sa mga messaging app, maaring makipag-ugnayan sa aming email factcheck@abs-cbn.com o X account @abscbnfactcheck

Related Articles

Cheezmis

Legit na chismis, mas pinabilis.

© 2026 Cheezmis. All rights reserved.
FACT CHECK: Hindi totoong ililibing ang isang vlogger sa Libingan ng mga Bayani | Cheezmis