Para bang nangitlog at dumami ang good vibes at tawanan sa 'Laro Laro Pick' game arena kasama ang mga Pateros peeps sa January 13 episode ng "It's Showtime."
Sa simula pa lang ng kuwentuhan, ubos na agad ang energy ni Vice Ganda. Dahil parang 'Wi-Fi' na mahina ang connection nila ni player Obet, ang all-around trabahador sa isang laundry shop. 'Struggle is real' para kay Meme dahil sa bilis magsalita ni Obet. Kaya pabiro ulit siyang hinimatay sa game arena. Hirit niya, hindi pa nangangalahati ang January pero sagad na ang pagod niya sa dami na ng nangyari.
Nabawi naman niya ang energy kay James, ang civil engineer na kinatuwaan niyang maging ka-partner sa 'walking hoodie' trend. Si Jopay naman, kinaaliwan sa blush-on niyang super OA, na para bang "marka ng hotdog sa kanin."
Magaan din ang pakiramdam ng hosts kay Ja, ang lady rider na kinakitaan agad ng tapang kahit na may kaunting delay pa rin sa komunikasyon. Mukhang may dalang swerte kay Ja ang pakikipagkuwentuhan sa hosts dahil siya ang umabante sa final game.
Sa jackpot round, naramdaman ni Meme Vice ang puso ni Ja bilang solo parent sa tatlong anak. Nabanggit ni Meme na may napanood siyang pelikula na nagpapakita ng hirap, partikular na ang physical and emotional changes, na pinagdadaanan ng mga kababaihan matapos manganak.
Bigla namang nagsalita si Jackie Gonzaga, "Kahit during the pregnancy marami nang mga hindi naiintindihang bagay na nangyayari sa katawan, mas lalo na pagkatapos." Kaya biro ni Meme, "Inilihim mo ba sa akin na nagkaanak ka, Jackie?"
"Fake news 'yon!" natatawang sagot ni Jackie, na binalikan ang fake ‘pregnancy’ issue tungkol sa kanya noon. Paliwanag ni Jackie, nabasa lang naman niya ang mga ganitong klase ng impormasyon, at hindi niya personal na pinagdaanan.
Samantala, balik sa laro, matapang na pinili ni Ja ang Pot question na katumbas ng P100,000 kapalit ng P25,000 Li-Pot offer. Pero bigo siyang masagot nang tama ang katanungan tungkol sa iconic OPM singer na kumanta ng ‘Balut.’
Good vibes at pag-asa ang hatid ng “It’s Showtime,” Lunes hanggang Sabado, 12 NN, sa Kapamilya Channel, GMA 7, ALLTV, A2Z, Kapamilya Online Live (KOL) at iWant.
