Nag-donate ang Kapamilya actor na si Donny Pangilinan ng PHP 300,000 para sa kariton vendors na itinampok sa segment na “Laro Laro Pick” ng "It’s Showtime" sa tulong ni Vice Ganda.
Naantig nga si Donny sa kwento ng kariton vendors na sumali sa segment noong Miyerkules, Setyembre 24, kaya naman agad niyang tinawagan si Vice para mag-abot ng tulong sa mga ito.
“Tumawag talaga siya sa akin,” ani Vice. “Sabi niya, ‘Vice, nadurog ako. Hindi ko kinaya ‘yung episode. May chance ba na makita ko sila ulit? Hindi kaya ng kalooban ko kaya gusto ko magregalo.’”
Nagbigay si Donny ng P15,000 sa bawat isa sa 20 vendors bilang maagang pamaskong handog, upang kahit papaano’y maibsan ang kanilang araw-araw na paghihirap.
Ibinahagi rin ni Vice na hindi ito ang huling tulong na manggagaling kay Donny. “Hindi lang ito ang pinangako ni Donny,” ani Vice. “Hindi lang ito ang una’t huling pagtulong niya sa atin.”
Higit pa sa pagiging isang programang nagbibigay saya sa mga madlang people, iginiit ni Vice na unti-unti na ring nagiging plataporma ng pagtulong ang "It’s Showtime." Hinikayat niya ang publiko na bigyang pansin ang segment na “Laro Laro Pick” at suportahan ang adhikain nitong maghatid ng pag-asa at tulong sa mas marami pang Pilipino.
Makisaya sa buong pamilya ng “It’s Showtime,” 12 NN mula Lunes hanggang Sabado, sa GMA, A2Z, Kapamilya Channel,Kapamilya Online Live sa YouTube channel at Facebook page ng ABS-CBN Entertainment, pati na rin sa iWant.
