It’s a happy day ngayong a-kinse ng Oktubre dahil para sa marami, ito ay sweldo day. Magbunyi ang lahat dahil mamaya ay siguradong may isang magbo-blowout. Aminin, masarap sa feeling sa tuwing sweldo ay dumarating!
Masarap din sa feeling ang mag-enjoy sa “Laro Laro Pick” game arena lalo pa’t sa araw na ‘to, P350,000 ang premyo na pwedeng makuha. Dahil mga school athletes ang bumida, pang family na, pang sports pa ang kulitan nila with game masters Jhong Hilario, Karylle, at Vhong Navarro.
Full of good vibes ang awra ni Jake, isang volleyball player na masaya pa rin ang ngiti kahit puso niya’y sawi matapos ma-spike sa isang recent breakup. Faith in God ang sikreto niya sa mabilis na pagmo-move on.
Tumabi at baka tamaan ka ng moves ni judo athlete Adi. Kwento niya, nagsimula ang love niya for judo noong pandemic. Nahuli siya ng isang sundalo matapos lumabas para bumili ng sabon sa tindahan. Dahil nga bawal lumabas during quarantine, nag-overnight si Adi sa presinto, at kinabukasan, tinuruan na siya ng judo. Mahirap ang training pero minahal na niya ito nang husto. Nag-flex si Adi ng judo moves at si Ryan Bang ang nasampolan!
Hindi lang pisikal ang sports dahil ang debater na si Marion, maituturing din na varsity athlete lalo pa’t lumalaban siya to represent his school. Hear, hear! Si Marion, napasabak sa isang debate laban sa madlang studio audience member na debater din, si Fran. At ang kanilang pinagdebatehan ay kung alin ang mas nauna–manok o itlog?
Dapat wise ang pagpili sa “Illuminate or Eliminate” para swerte ay kumapit. Sa “It’s Giving,” ang category ay hango sa listahan ng mga atleta ng isang sikat na website. Sa "You Gotta Lyric,” damang-dama ang pusong atleta ng mga players sa pagkanta ng “Puso” by Spongecola. Hanggang sa dumating ang “PILImination,” tuwang-tuwa si Teddy Corpuz dahil natakasan niya ang jackpot round na napunta kay Jugs Jugueta!
For the third time, si Jugs ang umabante sa “Laro Laro Pick” jackpot round. Kung ang mga nakalaban niya ay mga varsity players ng eskwela, ang sport naman daw niya ay eating. Eme! Pa-joke-joke lang ‘yan si Jugs pero aminadong kabado lalo pa’t pag siya ay nanalo, 15 studio audience members ang maghahati-hati sa papremyo
Bet na sana ni Jugs ang offer sa Li-Pot pero dahil sa hiling ng madlang studio audience ay sinugalan niyang muli ang Pot question, na P350,000 ang katumbas ngayon.
Ang tanong ay tungkol sa birthplace ng gymnast at five-time Olympic gold medalist na si Nadia Comăneci. Natawa na lang si Jugs dahil aminadong hindi alam ang sagot kaya nanghula na lang. “Czechoslovakia,” sabi niya. Sayang! Walang naiuwing papremyo ang madlang people. Kayo, alam n’yo ba ang tamang sagot a POT question?
It’s a comeback kind of Wednesday sa pagpapatuloy ng Pangkatapatan round sa “Tawag Ng Tanghalan” Year 9.
Nagbabalik si Billy Crawford para umupo bilang hurado kasama nina Marco Sison at Karylle. Kasabay ng exciting lineup ng judges, mas tumindi rin ang tapatan ng Pangkat Pula, Pangkat Bughaw, at Pangkat Luntian dahil isa sa kanila ang nanganib na ma-eliminate. Kaya labanan na ‘to ng diskarte at fighting spirit!
Para sa Pangkat Luntian ni mentor Bituin Escalante, ipinamalas ni Angelica Magno ang sarili niyang bersyon ng “Total Eclipse of the Heart.” Ayon kay hurado Karylle, na-appreciate niyang binigyan ito ng kakaibang timpla at sariling istilo, lalo na’t isa itong piyesang madalas na marinig. Gayunpaman, napansin din niyang may parts sa sariling style ni Angelica na hindi sumabay sa tempo.
Mula naman sa Pangkat Pula ni mentor Nyoy Volante, nagpasabog ng energy si Richel Balignot sa awiting “Salamin.” Unexpected kung ilarawan ni hurado Billy ang areglo ng kanta at nakita niya kung paano in-enjoy ni Richel ang performance.
Samantala, sa Pangkat Bughaw ni mentor Mark Bautista, kahit kaka-recover lang sa sakit ay hindi nagpadaig si Rob Limbawan sa kanyang rendition ng “Who’s Lovin’ You.” Ayon kay hurado Marco, kahanga-hanga ang shifting ng boses ni Rob with a definite ending to his performance.
Pagkatapos ng round na ito, si Rob ang nakakuha ng pinakamataas na score, kaya nagkaroon ng tatlong puntos ang Pangkat Bughaw, katulad ng Pangkat Luntian na unti-unting nakabangon as the competition went on, at Pangkat Pula na siyang pinakamalakas sa mga unang araw ng kompetisyon.
Dahil sa triple tie result, sumalang ang tatlong grupo sa Ultimate Pangkatapatan kung saan pumili ang mentors ng pinakamahuhusay nilang pambato para isalba ang grupo.
Sa Pangkat Luntian, ang pambato ay si Noielle Rodriguez na kinanta ang “Toy.” Si Kent Villarba naman ang pinili ni Mentor Nyoy na pambato ng Pangkat Pula. Kinanta niya ang “Sa Susunod Na Habang Buhay.” Para sa Pangkat Bughaw, inilaban ni Mentor Mark si Lucky Nicole Galindez na binirit ang best piece niyang “Lovin’ You.”
Base sa naging komento ni Punong Hurado Marco, may napansin siyang “kulang” sa performance ni Kent samantalang nagustuhan naman niya ang pagtatanghal ni Noielle, pero mas malakas ang naging impact sa kanya ng pagkanta ni Lucky.
Si Lucky ang nakakuha ng highest score na 99%, sinundan ni Noielle na may 96.7% score at pangatlo si Kent na nakakuha ng 96%. Dahil dito, Pangkat Pula ang hindi na magpapatuloy sa kompetisyon.
Pero mula sa siyam na members ng Pangkat Pula, apat sa kanila ang nailigtas ng mentors. Pinili ni Mentor Bituin sina Kent at Aaron Lao para maging bagong kasapi ng Pangkat Luntian, samantalang sina Mary Rose Blanes at Raquelle Macababat naman ang iniligtas ni Mentor Mark.
